- Advertisement -

Ian Alfredo Magno

AS a public service reminder, the salient details of the No Balance Billing Policy of Philhealth are hereby featured, pursuant to Circular No. 2017-006 as signed on 24 January 2017.

- Advertisement -

No Balance Billing is among Philhealths’ major policies, which aims to ultimately eradicate out-of-pocket spending by the hospitalized member patient/dependent. Stated otherwise, no other fees or charges shall be charged or paid by the member above and beyond the package rates during their hospital confinement.

Hereunder is the question-and-answer outline of Circular No. 2017-006 vis-a-vis TS-PC-2017-006:

1) TANONG: Ano ang “No Balance Billing” Policy ng Philhealth?

SAGOT: Ang “No Balance Billing” Policy o “NBB” ay isang polisiya ng PhilHealth at ng Department of Health kung saan ang isang kwalipikadong kasapi ng Philhealth ay hindi na sisingilin ng karagdagang bayarin para sa mga serbisyo na ibinigay ng mga pasilidad na accredited ng Philhealth. Ito ay naayon sa Republic Act 10606 o ang National Health Insurance Act of 2013.

Sa polisiya ng NBB, sapat na ang bayad ng Philhealth sa mga pasilidad.  Dahil dito, dapat na maibigay ng mga ospital ang kumpletong serbisyong may kalidad; kaya wala na dapat babayaran pa ang isang kasapi para sa kwarto, pagkain, gamot, supplies, laboratory, Xay at bayad sa serbisyo ng mga doktor.

Bawal din ang sapilitang paghingi ng donasyon sa mga kasapi ng Philhealth.

2) TANONG: Sinu-sino ang mga kasapi ng Philhealth na sakop ng NBB Policy?

SAGOT: Hindi lahat ng kasapi ng Philhealth ay saklaw ng polisiya ng NBB. Ayon sa alituntunin, ang polisiya ng NBB ay para lamang sa mga sumusunod na kasapi ng Philhealth:

  1. Indigent
  2. Sponsored
  3. Kasambahay
  4. Senior Citizen
  5. Lifetime

Automatic dapat ang pagbibigay ng NBB sa mga kasaping saklaw ng polisya.

Dapat gumawa ng mekanismo ang mga ospital para makilala ang mga pasyenteng sakop ng NBB.

3) TANONG: Hindi na ba saklaw ng NBB Policy ang mga Organized Groups ng Philhealth?

SAGOT: Hindi na saklaw ng NBB ang mga kasaping Organized Group.  Hindi rin kasama sa NBB ang mga kawani ng gobyerno, pribadong sektor at iba pang kasapi tulad ng mga “self-earning individuals, informal sector, migrant workers, at overseas Filipino workers.”

4) TANONG: Ano’ng mga benepisyo ang Sakop ng NBB Policy?

SAGOT: Ang mga benepisyong sakop ng polisiya ng NBB ay ang mga sumusunod:

  1. Lahat ng benepisyong binabayaran sa pamamagitan ng Case Rates
  2. Mga benepisyong Case Type Z
  3. Primary Care Benefit (PCB)
  4. Iba pang benepisyo tulad ng MERS-COV at Ebola Virus Disease Package

5) TANONG: Maaari bang makakuha ng benepisyong NBB sa lahat ng pasilidad na accredited ng Philhealth?

SAGOT: Hindi lahat ng pasilidad ay obligadong magpatupad ng polisiya ng NBB.

Ang mga benepisyong sakop ng polisiya ng NBB ay puwede lamang sa accredited na pasilidad ng gobyerno tulad ng: ospital, ambulatory surgical clinics, dialysis centers, infirmaries, dispensaries, TB-DOTS centers, mga paanakan, PCB, Animal Bite at OHAT providers.

Sa mga pribadong pasilidad, ang NBB ay para lamang sa mga sumusunod na pasilidad:

  1. Contacted facilities para sa Z Benefit Packages
  2. Ambulatory Surgical Clinics
  3. Freestanding Dialysis Centers
  4. Peritoneal Dialysis Centers
  5. TB-DOTS Centers
  6. Birthing Homes
  7. PCB Providers
  8. Infirmaries and Dispensaries – para sa mga pribadong infirmaries at dispensaries, ang NBB ay nag-aaply lamang para sa Normal Spontaneous Delivery, Maternity Care Package, Ante-natal Care Package at Newborn Care Package. Ang iba pang mga benepisyo na maaaring bayaran ng PhilHealth sa infirmaries at dispensaries ay hindi na saklaw pa ng polisiya ng NBB.
  9. Mga pribadong ospital na boluntaryong sumali sa NBB.

6) TANONG: Kasama ba sa NBB Policy ang mga pribadong kwarto sa ospital ng gobyerno?

SAGOT: Ang NBB ay para lamang sa mga service beds o Philhealth wards ng mga ospital ng gobyerno. Sakop nito ang mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health; mga ospital na pagmamay-ari ng probinsya, siyudad o munisipyo; at iba pang mga ospital ng gobyerno tulad ng Philippine General Hospital, Western Visayas State University, Veterans Memorial Medical Center, DND hospitals, PNP hospitals, at iba pa.

Hindi kasama sa polisiya ng NBB kung ang pasyente ay na-admit sa mga pribadong kwarto at suites. Ang mga pasyenteng na-admit sa mga pribadong kuwarto ay maaring singilin ng ospital sa halaga ng serbisyo na lagpas sa itinakdang benepisyo ng Philhealth.

Halimbawa, kung ang aktwal na halaga ng serbisyo para sa isang kaso ay P30,000 ngunit ang benepisyo ng Philhealth ay P24,000 lamang; maaaring singilin ng ospital ang kasapi ng Philhealth ng P6,000 dahil ang pasyente ay nasa pribadong kuwarto.

7) TANONG: Paano kung lumipat ng kuwarto ang pasyente habang siya ay ginagamot sa ospital?

SAGOT: Hindi na sakop ng polisiya ng NBB kapag ang isang pasyente ay unang na-admit sa ward at boluntaryong nagpalipat sa pribadong kuwarto; o kaya’y ang isang pasyente ay unang ipinasok sa pribadong kuwarto at kalaunan ay inilipat sa ward.

8) TANONG: Paano kung walang bakanteng kama sa ward o hindi pribadong kuwarto?

SAGOT: Katungkulan ng ospital na ilipat sa mas mataas na uri ng akomodasyon ang pasyente na saklaw ng NBB na walang karagdagang bayad.

9) TANONG: Nasasakop ba ng NBB Policy ang mga pribadong ospital?

SAGOT: Hindi sakop ng NBB ang mga pribadong ospital na accredited ng Philhealth, maliban na lamang sa mga contracted na ospital para sa Z benefits o sa mga pribadong ospital na boluntaryong magpapatupad ng polisiya ng NBB.

10) TANONG: Paano kung walang gamot sa ospital o wala sa ospital ang mga kinakailangang laboratory at iba pang diagnostic tests?

SAGOT: Katungkulan ng lahat ng pasilidad na siguraduhin na may gamot at medisina na kailangan ng kanilang mga pasyente. Dapat din siguraduhin ng kanilang mga doktor na ang mga gamot na nirereseta nila ay nasa Philippine National Formulary (PNF) at mayroong sapat na supply ng mga ito sa kanilang botika.

Kung wala sa ospital ang mga kinakailangang laboratoryo at diagnostic test tulad ng CT scan, tungkulin ng ospital na maipagawa ito na walang babayaran ang pasyente na saklaw ng polisiya ng NBB pati na ang ambulansyang gagamitin sa paghatid sa ibang pasilidad.

Bawal din papalitan sa mga pasyente ang mga nagamit na gamot, dugo, at gamit pang-ospital. Maliban dito, bawal din magpabayad sa pamamagitan ng serbisyo o magpalit ng iba pang bagay tulad ng mga produktong bukid bilang karagdagang bayad.

11) TANONG: Sakop ba ng NBB ang mga serbisyo sa Emergency Room?

SAGOT: Oo, sakop ng NBB ang mga serbisyo sa emergency room, observation room at out-patient department basta ang mga serbisyo ay ginawa sa loob ng 24 oras bago ma-admit ang pasyente sa parehong pasilidad.

Hindi sakop ng NBB ang mga serbisyo pagkatapos ng admisyon.

12) TANONG: Sakop ba ng NBB Policy ang serbisyo ng doktor at ibang mga propesyonal?

SAGOT: Oo, dahil dito bawal maningil ang mga doktor sa mga pasyente na sakop ng polisiya ng NBB kung ang pasyente ay na-admit sa service o PhilHealth bed. Kapag ang pasyente ay na-admit sa ward o hindi pribadong kuwarto, automatic na mag-aapply ang NBB kahit na pribado o swelduhan ang doktor na tumitingin sa kanya.

Maaari lamang sumingil ang doktor sa pasyenteng sakop ng polisiya ng NBB kung ito ay naadmit sa isang pribadong kuwarto.

Sa mga lying-in clinic, automatic din na mag-aapply ang NBB kahit na ang nagpaanak ay doktor, kumadrona o nars.

13) TANONG: Maaari bang maningil ang ospital para sa pagproseso ng mga Philhealth claims?

SAGOT: Bawal maningil ng bayad para sa mga sumusunod: pagproseso ng PhilHealth claims, pagreseta ng gamot gamit ang S2 form, at iba pang bayarin tulad ng ER fee, readers’ fee, room transfer fee, maging ang hospital kit.

 

(Ian Alfredo T. Magno is a Cagayan de Oro-based lawyer. He is with Philhealth. E-mail: ianalfredom@gmail.com)

Disclaimer

Mindanao Gold Star Daily holds the copyrights of all articles and photos in perpetuity. Any unauthorized reproduction in any platform, electronic and hardcopy, shall be liable for copyright infringement under the Intellectual Property Rights Law of the Philippines.

- Advertisement -